October 2, 2024

Sanhi ng impeksyon sa dugo ng bata

Spread the love

Marami pong nagtatanong sa atin kung saan nga ba nanggagaling ang impeksyon sa dugo ng baby, lalo na kung ito ba’y dahil sa pagkain. Karaniwan, ito ay may kinalaman kapag nagtatae ang bata, pero mas malawak pa ang mga posibleng dahilan ng impeksyon sa dugo. Narito po ang limang pangunahing sanhi ng impeksyon sa dugo ng inyong baby.

1. Hindi Agad Nagamot na Sakit

Ang mga simpleng sakit tulad ng ubo, sipon, at impeksyon sa baga (pulmonya) na hindi agad naagapan ay maaaring lumala at umabot sa dugo. Ganun din ang impeksyon sa ihi na hindi nagagamot agad. Kadalasan, mga simpleng sintomas lang ito tulad ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, at lagnat, pero kapag hindi ito nagamot, maaaring magresulta ito sa impeksyon sa dugo.

2. Maduming Pagkain o Inumin

Posible rin po na makuha ang impeksyon sa maduming pagkain o inumin, lalo na kung ito ay contaminated ng bacteria tulad ng typhoid. Kung ang baby ay nakakain ng kontaminadong pagkain o nakainom ng kontaminadong tubig, maaaring magresulta ito sa pagtatae at pagsusuka. Kapag hindi ito agad naagapan, maaari itong magdulot ng impeksyon sa dugo.

3. Mahinang Resistensya

Kung mahina ang resistensya ng inyong baby, mas malaki ang tsansa na magkaroon siya ng impeksyon sa dugo. Ito yung mga babies na kahit na nagamot na, mataas pa rin ang infection levels sa dugo. Kadalasan, tinatest ng doktor ang dugo at kapag mataas ang white blood cell count, ito ay indikasyon na mayroong infection.

4. Impeksyon mula sa Nanay

Maari din pong makuha ang impeksyon mula sa nanay lalo na sa mga bagong silang na sanggol. Halimbawa, kung si mommy ay may UTI (urinary tract infection) habang buntis, maaaring makuha ito ng baby sa sinapupunan pa lamang. Ganun din kapag matagal nang pumutok ang panubigan ni mommy bago siya manganak (more than 18 hours), mataas ang tsansa na magkaroon ng impeksyon ang baby.

5. Maduming Kapaligiran

Isa pang sanhi ay ang maduming kapaligiran. Ang mga baby ay maselan at madaling mahawa sa mga germs at bacteria sa paligid. Kaya napaka-importante ng malinis na kapaligiran para sa kanila. Mahalaga rin na malakas ang immune system ng baby sa pamamagitan ng tamang nutrisyon, sapat na tulog, at pag-inom ng bitamina.

Paano Maiiwasan ang Impeksyon sa Dugo?

Para maiwasan ang impeksyon sa dugo, mahalaga po na mag-ingat at sundin ang mga sumusunod:

Agad na ipatingin sa doktor ang baby kapag may nararamdaman itong kakaiba tulad ng lagnat, ubo, sipon, pagsusuka, o pagtatae.

Siguraduhing malinis ang kinakain at iniinom ng baby.

Panatilihin ang kalinisan sa paligid ng baby.

Siguraduhing malakas ang immune system ng baby sa pamamagitan ng tamang pagkain, pagtulog, at bitamina.

Ano ang gamot sa impeksyon sa dugo ng bata

Ang gamutan sa impeksyon sa dugo, na tinatawag ding sepsis, ay kadalasang nagsisimula sa agarang pagpapaospital ng pasyente. Sa ospital, binibigyan ang pasyente ng intravenous (IV) antibiotics upang labanan ang impeksyon.

Ang pagpili ng antibiotic ay nakabase sa uri ng bakterya o mikrobyo na nagdudulot ng impeksyon, kaya’t mahalaga ang mga pagsusuri tulad ng blood cultures upang matukoy ito. Bukod sa antibiotics, maaaring kailanganin din ang fluid therapy para mapanatili ang tamang hydration at blood pressure ng pasyente.

Sa mga malalang kaso, maaaring magbigay ang mga doktor ng vasopressors upang mapataas ang blood pressure. Kadalasang sinusubaybayan din ang mga vital signs at organ function ng pasyente upang matiyak na maayos ang kanyang kondisyon at upang maagapan ang anumang komplikasyon. Sa mga bata at bagong silang, mahalaga rin ang suportang medikal tulad ng oxygen therapy at, kung kinakailangan, mechanical ventilation para matulungan silang huminga.

Iba pang mga babasahin

Ano ang dapat gawin kapag constipated si Baby

Bakuna na COVID 19 VACCINE sa pregnancy and breastfeeding Mom

Mga bawal gawin ng Buntis : Iwasan ang mga bagay na ito

Tamang position ng pagtulog ng Buntis na safe sa Sanggol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *